Search This Blog

Tuesday, September 4, 2012

Quit Alcohol - Ang Simula ng Paglalakbay

Pagsisimula sa Pagtanggal ng Bisyo

Huwag muna nating pag-usapan ang huling bahagi, ang recovery stage. Pag-usapan muna natin ngayon kung ano at saan ang simula, ang starting point. Mahirap mag-quit. Totoo. Ito’y isang bisyo na naging bahagi na nang katawan at isipanat nakakapit nang mahigpit. Kung pipilitin kong tanggalin sa pagkakakapit at lalabanan ko, sarili ko ang magiging kaaway ko. Kaya dapat, planado ang lahat ng gagawin. Dapat umpisahan ko sa simula para kapag dumating na sa gitna at sa hulihang bahagi, magiging mas madali na ang gulong ng proseso.

Walang taong nanood ng pelikula na inunang panoorin ang credits bago ang opening remarks. Gaya din sa pag-alis ng bisyo, kailangan kong daanan ang simula para maging epektibo. Kung pipilitin kong umalis sa bisyo na hindi ko muna natutukoy ang starting point, baka magkaroon ng mga komplikasyon bago ako makarating sa finish line.

Ang pagkilala at pag-unawa ng lubusan sa aking sarili ang pinakamabisang paraan na ginagawa ko upang mapaglabanan ang alcohol addiction. Alam ko, ang sarili ko ang ka-partner ko. Hindi ako magtatagumpay kung hindi ko pakikilusin ang sarili ko. Maaaring alalayan ako ng aking pamilya at mga kaibigan sa pagtakbo, ngunit kung hindi ko ihahakbang ang aking mga paa, walang mangyayari. Mangingitlog ako sa kangkungan. Ako dapat ang sentro ng lahat ng ito. Ang lahat ng pagsisikap kong tumigil sa pag-inom ay dire-diretsong aagusin ng tubig at mauuwi lamang sa wala ang lahat kung hindi ako ang nakasentro. Ang pagkakaroon ko ng lubos na unawa sa aking sarili ang siyang kakampi ko sa paghinto sa pag-inom. At isa sa mga batas ng pagsasama ang lubusang pagkilala ko sa aking ka-partner.

Ngayong mag-tatatlong buwan na akong tumigil sa pag-inom ng alak (quit alcohol), nagbabalik-gunita ako. Gusto kong malaman kung ano ang nangyari noon. Kaya lang, sa kasamaang-palad, hindi ko maalala kung bakit ako nagkaroon ng ganitong kondisyon. Mas marami pa yata ang nakalimutan ko kaysa sa naaalala. Hindi ko na maituro ang mga dahilan kung bakit ako umiinom. Pilit kong binabalikan ang nakaraan, ang mga panahong hindi ko kayang mabuhay nang wala ang alak. Umiinom ba ako at naglalasing noon dahil ako’y masaya? O dahil sa ako’y malungkot ako? O bigo. O nagtagumpay. O may galit sa puso. O dahil marami lang naglalarong kaisipan sa utak ko. At naghahanap ng mapagbabalingan. O baka dahil sa gusto ko lang na may kausap o kakampi o kasama. Na pwede kong pagsabihan ng mga naiisip at nararamdaman ko. O baka maaaring wala talagang mga dahilan. Na kaya lang ako umiinom ay dahil wala lang. Dahil sa simpleng “gusto ko lang”.

Ang mga tanong na ito ang nagsilang ng ideyang kailangan ko MUNANG makilala ang aking sarili para makahinto ako ng epektibo at mapanatiling hindi umiinom sa mga susunod pang mga araw. Alam kong narito ang mga ugat ng problema - sino nga ba talaga ako?

Alam ko ang pangalan ko. Alam ko rin kung saan ako nakatira. Alam ko rin kung ilang taon na ako dito sa mundo. Kahit nga lasing ako, tanungin mo sa akin ang mga tanong na iyan at asahan mong masasagot ko kahit na pagiray-giray at pautal-utal. Alam ko ang kulay ng buhok ko. Alam ko na may nunal ako sa kanang pisngi, sa may tabi ng labi. Kaya lang, hindi naman sinasagot ng mga iyan ang tanong kung sino talaga ako. Mga bagay lamang iyan na tungkol sa akin, naglalarawan sa akin. At hindi iyan makakatulong sa paglutas ko ng mga problemang kaakibat ng alcohol addiction. Ang pagkilala sa aking sarili ay higit pa sa pagkaalam sa pangalan at edad, sa address ng tirahan. Higit pa ito sa pagkakaroon ng kaalaman sa kung ano ang kulay ng mata o buhok. Ang pagkilala sa tunay na ako ay nasa kabila pa ng mga iyon. Nasa loob ng dibdib, sa loob ng puso… doon sa mga pinag-ugatan ng mga damdamin.

Kung gusto ko si ganitong artista o ganoong personalidad, inaalam ko kung ano ang kanyang mga nararamdaman sa pamamagitan ng Twitter at Facebook. Sinusundan ko ang kanyang buhay. Hindi ba dapat na higit lalo kong alamin ang aking mga damdamin at sundan ang aking buhay kaysa sa ibang tao?

Nasa proseso ako ngayon ng pagkilala at pag-alam kung sino ako. Sa kabuuan nito. Malakas ang paniniwala ko na kailangan kong alamin muna kung ano ang pagkatao ko, sa pangkalahatan. Ang lubusang pag-unawa sa naiisip at nararamdaman ko ang siyang magdidikta ng tamang pagkilos upang mapigilan ko ang bisyong matagal nang umaalipin sa akin.

Sa ngayon, nagkakaroon na ako ng mga ideya kung bakit ko nararamdaman ang mga damdaming iyon. Unti-unti ko nang nalalaman kung bakit ako umiinom. Sa unti-unti kong pagkilala sa aking sarili, natutunan kong tukuyin kung ano ang mga problemang nagtutulak sa akin sa ganito at ganoong sitwasyon, kung bakit ako umiinom nang labis sa aking kakayahan. Sa unti-unti kong pag-unawa sa aking mga damdamin, natutunan ko itong kontrolin.

Nagdedesisyon lang pala ako noon dahil sumusunod lamang ako sa agos ng buhay. Pumipili ako ng daan hindi dahil iyon ang tama kundi dahil iyon ang inaakala kong makapagpapasaya sa akin. Kumikilos ako noon kahit hindi ko alam ang magiging hangganang resulta. Kung nakilala ko na sana noon pa man ang sarili ko, hindi na sana nagkawindang-windang. Hindi sana nagkaletse-letse pa. Ang tunay na ako ay naitago nang hindi ko sinasadya dahil sa madalas kong paglalasing. Natabunan nang alak ang tunay kong pagkatao. Naroon sa ilalim at nadaganan ng mga epekto ng alcohol. Mga masasamang epekto na naging daan upang lalo pang yumabong at madagdagan ang mga problema kaysa magawan ng paraan.

Nalalaman ko na rin nang unti-unti kung ano talaga ang gusto kong mangyari sa buhay ko, ang mga priorities na matagal ko na ring hindi napagtuunan ng pansin at ang mga bagay na makapagpapasaya sa akin. Nakikita ko na ang guhit ng mga plano’t balakin na dapat kong pinagsumikapang gawin noon.

Sayang ang oras kung hindi gugulin sa mahahalagang bagay. Tama ring mag-enjoy paminsan-minsan, ngunit mas maganda kung nag-eenjoy ako nang hindi nagsasayang ng oras sa walang kapararakang bagay. Mas maganda kung nag-eenjoy ako kasama ng aking mga mahal sa buhay.

Ngayong nagsisimula kong kumpunihin ang buhay ko sa pamamagitan ng pagsisimulang muli, pinipilit kong hagilapin ang mga piraso ng mga natabunan. Para sa akin, sa aking pamilya at sa kinabukasan. Kikilalanin ko muna ang aking sarili ng lubusan at bukas, sa pagbubukang liwayway, makikita ko ang sarili kong matatag sa pagkakatayo at masayang kumakaway.

No comments:

Post a Comment

Pages