Search This Blog

Thursday, November 1, 2012

Paano Matatanggal ang Bisyo ng Pag-inom?

Parang mabigat na trabaho ang pag-inom, nakakapagod din. Parang isang masarap na putahe na nakakasawa, nakakadalok. Nawawala din ang excitement. Naglalaho din ang saya, ang challenge, ang pagnanais na makahalubilo sa ibang tao na may kaharap na inuming nakalalasing. Sapagkat unti-unting nakikita ang masamang epekto, dahan-dahan lumalabas ang mga nakaukit na negatibong pangyayari na dala ng mga paglalasing.

Sa pangkalahatan, ang pag-inom ay hindi na nagiging priority. Ito’y isa na lamang pangyayari ng nakaraan, isang bahagi ng kahapon na wala na sa unang listahan ng mahahahalagang bagay na dapat isagawa. Kaya’t nararapat lamang na huminto. Dapat nang tanggalin ang bisyo. Magsimulang muli sa lakbayin at magbagong buhay. Kailangang tumigil na sa paglalasing upang maging matagumpay sa anumang balak at makamit ang anumang pangarap na nais makamit.

Pero, paano? Paano matatanggal ang isang bisyo na matagal nang naging bahagi ng sistema. Ng araw-araw na buhay sa mundo? Paano aalisin ang bisyong matagal na matagal ding umalipin sa iyong personalidad, sa iyong pagkatao? Paano itatatwa ang isang bisyong dahan-dahang sumakop sa bawat himaymay ng iyong laman, dahan-dahang pumasok sa mga sulok ng iyong utak, dahan-dahan kumubkob sa bawat butil ng iyong mga damdamin? Paano tatanggihan ang alak na itinuring mong isang kaibigan sa mga panahong nangangailangan ka ng makakasama dahil sa kalungkutan? Paano iiwasan ang isang kasangga sa oras ng pag-iisa?

Mahirap, oo, mahirap. Sapagkat ang alak ay nakaka-adik. Ang pag-inom ay habitual. Hindi madaling alisin ang isang bagay kung ito’y naging isang addiction. Mahirap alisin ang isang bagay na mahigpit na nakakapit na sa iyong katawan, isipan at damdamin. Mahirap nga, ngunit posible. Kailangan mo lamang pag-aralan at pagsanayan ang ilang mga bagay na makatutulong sa iyo upang labanan o maihinto ang pagnanais na uminom na muli.

Kailangang magkaroon ng matibay na determinasyon. Ang determinasyong ito ay hindi nagbubuhat sa labas. Ang determinasyong tumigil sa pag-inom ng alak at labanan ang alcohol addiction ay nanggagaling sa loob, doon sa kung saan ang isip at katawan ay magkasama, magkakampi. Dapat na maging determinado ka, sa isip at sa utak, upang maging malakas sa hatak ng alak. Ang alak ay tukso. At isang malakas na tukso na nag-aanyaya sa iyo upang lalo pang maging lulong. Ngunit kung malakas ang iyong determinasyon, hindi mananaig ang mga problemang ito.

Ang determinasyon ang siyang pinakamalakas na sandata ng isang tao upang matanggal ang isang habit o bisyo. Kung wala ito, lagi lamang siyang magsisimula sa proseso at matatapos sa pagbabalik lamang sa nakasanayang bisyo. Paulit-ulit, paulit-ulit. Walang katapusang pagsisimula lamang.

No comments:

Post a Comment

Pages